Sunday, March 1, 2009

Pananaliksik sa Filipino


University of Santo Tomas

College of Commerce and Business Administration

Espana, Manila



Matabang Anak Dahil sa Striktong Magulang



Campos, Janyne Marie

Dimaapi, Lawrence

Dolino, Christine Ann

Frayna, Erika

Genito, Deosa Lloren

1-GAM




I. Panimula

A. Panukalang Pahayag

Ang mga magulang na strikto ay may malaking posibilidad na maging mataba ang anak.

B. Introduksiyon/ Paglalahad ng Suliranin

Ang paksa na ito ay tumutukoy sa epekto ng pagiging strikto ng mga magulang sa kanilang anak. Sa tuwing pinaghihigpitan ang mga anak, iba’t-ibang epekto and naidudulot nito kagaya ng “stress”, kaya gumagawa ng paraan ang mga bata upang malabanan ito at isa na ang pagkain ng madami na nagiging sanhi ng pagtaba o pagka-obese ng bata.

Napili ng aming grupo ang paksang ito sapagkat napukaw ang aming atensyon ng mabasa namin ito sa internet. Nakita namin na meron na ring nasagawang mga pag-aaral at pagsusuri ukol sa paksang ito sa U.S. ngunit iba’t-iba ang naging resulta kaya nais naming magsagawa ng sariling pag-aaral para mapatunayan kung totoo nga bang nakakaapekto ang pagiging strikto ng mga magulang sa pagtaba ng kanilang mga anak.

C. Rebyu/ Pag-aaral

Ayon sa artikulo mula sa “Teen Virtue: Real Issues, Real Life… A Teen Girl’s Survival Guide”, ang mga magulang na nagiging maluwag o hinahayaan lamang ang kanilang anak na magkaroon ng sariling desisyon para sa kanilang sarili ay nagsasaad na hinahayaan na lamang nila na ang kulturang umiiral sa ngayon ay siyang humubog sa pagkatao ng kanilang anak. Bilang karagdagan sa pahayag na ito, may ilang pagkakataon na ang pagiging mahigpit ng mga magulang ay nakakapagpababa ng tingin ng bata sa kanyang sarili sapagkat tumitimo sa isipan nila na walang tiwala ang kanilang mga magulang sa kanila. Ayon kay Michael Winter, ang pagkain ng madami ay ginagawang pananggalang ng kabataan sa “stress” na kanilang nararamdaman at ito ang nagiging sanhi ng kanilang pagtaba. Maitutulad din ito sa pagrerebelde ng mga bata sa tuwing pinaghihigpitan sila. Kapag may nais silang gawin ngunit hindi pinapayagan ng mga striktong magulang, iba’t-iba ang nararamdaman nila. Maaaring magtaka sila at magtanong sa kanilang mga sarili “bakit kaya?” at dahil dito magkakaroon sila ng pakiramdam na gawin ang mga bagay na hindi pwede dahil maaaring gusto nilang malaman kung ano ang pwedeng mangyari. Katulad ng pagtaba ng bata dahil sa striktong magulang, kung may strikto kang magulang, siya lahat mamimili ng mga dapat kainin at minsan ay limitado pa, kaya ang mga bata naman ay matatakam sa lasa ng ibang mga pagkain na hindi pinapakain sa kanila. Hanggang sa masubukan nilang tikman at pagnasarapan ay uulit-ulitin na nila na nagiging dahilan ng kanilang pagtaba. Sa kabilang banda, ayon sa pananaw ng magulang, ang pagiging magulang ay seryosong bokasyon sapagkat ipinagkaloob ng Panginoon sa kanila ang kanilang mga anak upang hubugin ang kanilang pagkatao, hanggang sa dumating ang tamang panahon kung saan handa na tumayo sa sariling paa ang kanilang mga anak at harapin ang mundo sapagkat matibay na ang pundasyon ng kanilang pagkatao.

D. Layunin

Layunin ng pananaliksik na ito na makatulong sa pamamagitan ng pagbibigay impormasyon ukol sa “stress” na nararamdaman ng mga bata sa striktong magulang.

Layunin ng pananaliksik na ito na mapatunayang may malaking posibilidad na maging mataba ang anak ng mga magulang na sobrang mahigpit sa kanilang mga anak kaysa sa mga magulang na maluluwag sa kanilang mga anak. Layunin din nito na tuklasin ang relasyon sa pagitan ng apat na klase ng istilo na ginagamit ng mga magulang sa kanilang mga anak (authoritative, authoritarian, permissive, neglectful). Nais din nitong maipakita ang epektong naidudulot at makapagbigay ng mga positibong suhestiyon sa kung anong istilo ang mainam gamitin sa pagpapalaki ng bata.

E. Halaga

Kung maisasakatuparan ang mga layunin ng pananaliksik na ito, maaaring makatulong ito sa mambabasa na maintindihan ang “issue” ng aming tinatalakay, ang pagtaba ng mga bata dahil sa kanilang striktong magulang. Sa ganitong paraan mababatid nila ang dahilan ng “obesity” at makakagawa ng solusyon o paraan upang maiwasan at mabawasan ang lumalaking bilang nito. Ilan sa makikinabang sa pananaliksik naming ito ay ang mga batang nakakaranas ng ganitong sitwasyon dahil kapag naunawaan na nila ang nais ipahiwatig ng aming pananaliksik, malalaman nila na isa pa lang paraan upang makabawas ng “stress” ang kanilang ginagawang pagkain ng marami at pwede silang maghanap ng ibang paraan. Makikinabang din dito ang mga magulang sapagkat mabibigyan namin sila ng impormasyon sa kung ano ang istilo ang dapat gamitin sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Dahil kung sakali mang sila yung uri ng striktong magulang, malalaman nila kung ano ang maaaring maging epekto nito sa mga bata.

F. Konseptwal na Balangkas


Ang mga konseptong nakaugnay sa isa’t-isa na aming nilarawan ay ang mga sumusunod na paliwanag:

Mayroong iba’t-ibang istilo ng pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak, na mauuri sa apat na klase: permissive, authoritarian, authoritative at neglectful. Makikita ito sa balangkas na nasa loob ng asul na kahon. Bawat uri ay may kanya-kanyang katangian. Dalawa rito ang nakakadulot sa pagtaba ng bata. Una ang “authoritarian”, kung saan nagiging napakastrikto ng mga magulang sa mga anak. Ang nais nila ay sundin na lamang ng mga bata ang utos nila ng walang tanung-tanong, “Military Training” kumbaga. Dahil dito, nagdudulot ito ng “stress” sa mga bata. Ang sumunod naman ay ang “neglectful”, pagpapabaya naman ng mga magulang ang nagiging dahilan ng pagka-stress ng bata, dahil dito maaaring gumawa ng paraan upang maka-adjust sa kanyang nararamdaman at isa na dito ang pagkain ng madami na magiging sanhi ng pagiging overweight ng bata.

G. Metodolohiya

Hindi naging madali para sa mg mananaliksik ang pananaliksik na ito. Nagkaroon ng maraming pagtatalo hanggang sa nagkaisa at ito ang piniling paksa. Mayroon ng ilang katotohanan na nalaman ukol sa paksang ito, ngunit upang masiguro na ang lahat, nagpasiya kaming magsagawa ng panayam sa iba’t-ibang klase sa istilo ng pagpapalaki ng mga magulang.

Nangalap din ang mga mananaliksik sa internet. Alam naman nating lahat na isa ang internet sa mabisang source na maaaring pagkuhanan ng mga impormasyon, tulad ng mga iba’t-ibang artikulo na maaaring makatulong sa aming paksa.

Magsasagawa din ng “survey” sa mga magulang at kanilang anak. Sa pamamagitan nito, maaari na nating malaman kung totoo nga ba ohindi ang sinasabi sa aming paksa.

H. Saklaw/ Delimitasyon

Ang pananaliksik na ito ay mag fofocus sa mga magulang na strikto at may matabang anak. Na kung saan, ang naging dahilan ng pagtaba ng mga batang ito ay dahil sa stress na nakukuha nila sa paghihigpit ng kanilang mga magulang. Ang mga tutugon sa aming survey ay ang mga magulang at kanilang anak.

I. Daloy ng Pag-aaral

Ang pananaliksik naming ito ay mapatunayan na kung ang dahilan ng pagiging mataba o "obese" ng bata ay dahil sa stress na nakukuha nila sa paghihigpit ng kanilang mga magulang. Magkakaroon kami ng iba't-ibang paraan upang mapatunayan ito at isa na rito ang pag se"survey". Ang mga magulang at kanilang anak na sasagot sa ilan naming mga katanungan ang makakatulong sa amin upang magawa ang nasabing pag-aaral at makatulong sa mga mambabasa upang maintindihan nila na sa isyu ng pagiging mataba ng bata ay maaaring maging dahilan ang stress na nakukuha ng bata sa klase ng pagdidisiplina sa kanila ng kanilang mga magulang.

II. Katawan

A. Panimula

Ang aming paksa ay una naming nakita sa internet. Napukaw agad nito ang aming atensyon dahil sa kakaibang pinapahiwatig nito, nagtaka kami kung totoo ba talaga na nagiging mataba ang mga bata dahil sa kanilang mga striktong magulang pero may mga nasagawa nang pag-aaral dito at napatunayan naman nilang totoo. Sinasaad nila na ang pagkain ng marami ang ginagawang pang laban ng mga bata sa tuwing nakakaramdam sila ng “stress” dahil sa mga magulang. Kaya naman naisipan ng aming grupo na gumawa rin ng sariling pananaliksik ukol dito upang maging malinaw at mapatunayan namin ito.

B. Katawan

Ang aming grupo ay nagsagawa ng survey upang mapatunayan kung nakakaapekto ang pagiging estrikto ng magulang sa pagiging mataba ng anak. Ang survey ay naglalaman ng mga tanong, 5 para sa mga magulang tungkol sa kanilang pagiging estrikto, 5 rin para sa mga anak tungkol sa dami ng kanilang nakakain at 5 muli sa mga magulang para sa kanilang parenting style. Upang mas madaling maintindihan ng mga mambabasa ang aming nakalap na datos, inirepresenta namin ito sa tulong nang paglalagay ng bar graph.


Sa unang tanong kung grounded ba ang kanilang mga anak kapag may nagagawang mali, 6 ang sumagot ng 00, 8 sa hindi at 16 sa minsan. Sumunod na tanong ay kung sila ba ang namimili ng isinusuot ng kanilang mga anak at ang sumagot ng oo ay 3, 20 sa hindi at 8 sa minsan. Ikatlong tanong ay kung nagseset ba sila ng curfew, 15 ang sumagot ng oo, 4 ang hindi at 11 naman sa minsan. Ika-apat ay kung pinapayagan ba nila mag-overnight ang mga anak para sa school purposes, 23 ang sumagot ng 00, 2 sa hindi at 5 sa minsan. Sa huling tanong ay kung pinapayagan nilang mag-overnight ang mga anak dahil sa mga party, 2 ang sumagot ng 00, 15 ang hindi at 8 sa minsan.


Sa unang tanong 3 lamang ang sumagot ng 00 sa tanong na kung napaparami ang kanilang pagkain kapag pinagbabawalan ng magulang gumamit ng mga gadgets, 24 ang hindi at 3 ang minsan. Sunod na tanong ay kung nadadagdagan ba ang gana nila sa pagkain kapag nagagrounded, 4 ang sumagot ng oo, 21 sa hindi at 6 naman sa minsan. Ikatlong tanong ay kung nagyayaya ba silang kumain sa labas kapag pinaghihigpitan, 8 ang oo, 16 ang sa hindi at 6 sa minsan. Ika-apat ay kung nadadagdagan ang apetite kapag hindi napapayagan sa mga lakad, 4 ang sumagot ng oo, 23 sa hindi at 5 naman sa minsan. At sa huling katanungan na kung napapadami ang pagkain kapag napapagalitan ng magullang, walang sumagot ng oo, 20 sa hindi at 10 sa minsan.

III. Pangwakas

A. Pangwakas

Ayon sa mga datos na ipineresenta namin sa katawan ng pananaliksik na ito, kitang-kita na agad ang naging resulta. Sa mga magulang marahil ay hindi talaga likas sa ating mga Pilipino ang maging mahigpit sa ating mga anak. Nagiging mahigpit lang naman ang mga magulang pagdating sa kaligtasan ng kanilang mga anak. Katulad ng tanong naman sa kung nag seset ba sila ng curfew sa mga bata, marami ang sumagot n goo, ibig sabihin lamang nito na ayaw nilang magpagabi sa kalsada ang kanilang mga anak dahil baka may masamang mangyari sa mga ito. Marami rin ang sumagot na hindi nila pinapayagan mag-overnight ang mga anak sa isang party pero pag para sa school purposes marami ang pumapayag. Panatag kasi ang pakiramdam ng mga magulang kapag may kinalaman ang paaralan sa gagawin ng mga bata dahil alam nilang may proteksyon ito ng paaralan. Sa iba pang mga tanong sa pagiging strikto, unti lang ang sumasagot ng oo. Para naman sa mga bata, mapapansin natin sa graph ng survey na pinakamadami ang sumagot ng hindi at pinakakakaunti ang oo na nagpapatunay lamang na hindi talaga nakakaapekto ang pagdami ng kinakain ng anak kapag ang kanilang magulang ay strikto. May mga sumagot din naman ng minsan. Siguro sa iba napapadami nga ang kain dahil sa srtiktong magulang pero hindi ganoon kalakas ang epekto nito sa kanila.

B. Kongklusyon

Batay sa aming isinagawang survey, hindi totoo na nakakaapekto ang pagiging strikto ng mga magulang sa pagiging mataba ng anak. Maaaring ang artukulong nakuha namin sa internet na nagbigay ideya sa aming pananaliksik na ito ay batay lamang sa ibang bansa. Ayon sa aming mga nakalap na impormasyon at datos, maaaring ito ay nakakaapekto lamang sa pangangatawan ng mga anak na may striktong magulang sa ibang bansa at hindi dito sa Pilipinas dahil na rin sa kinalakihan nating kultura na naiiba sa kultura ng ibang bansa. Masasabi nating likas na malalakas ang mga naninirahan sa ibang bansa sa pagkain kumpara sa mga Pilipino. Sa aming mga impormasyong nakalap, ang paglakas kumain ng isang anak ay hindi dahil sa sila ay pinagbabawalan ng kanilang magulang sa kanilang ginagawa, dahilan na din ng stress o sama ng loob kaya’t ang ibang anak ay nagagawang ibaling sa pagkain o sa ibang nakakapagbigay aliw sa kanila upang ito ay makalimutan.

C. Rekomendasyon

Ang pananaliksik naming ito ay inirerekomenda namin para sa mga magulang at batang nakararanas ng ganitong sitwasyon. Para sa mga magulang, kailangan nilang mag-ingat sa pagdidisiplina sa anak dahil makaka-apekto ito sa kanilang isip at ganoon na rin sa kanilang kalusugan. May mga sari-sariling paraan ng pagdidisiplina ang mga magulang ngunit dapat bigyang pansin din nila ang mga limitasyon nito dahil lahat ng gagawin nila ay makakaapekto sa kanilang mga anak. Para sa mga anak naman, isipin natin na ang ginagawa ng ating mga magulang ay para sa ating kapakanan. Wala naman sigurong magulang ang magnanais mapahamak ang kanilang mga anak. Mayroon tayong sariling pag-iisip kaya magagawan natin ng paraan kung paano natin mapoprotektahan ang sarili ngunit dapat maghanap tayo ng mga paraan kung saan mapapabuti tayo. Laging isipin na ang problema kapag sinolusyunan ng isa pang problema ay lalo itong magiging malala.


No comments:

Post a Comment